
| What this knot is all about? |
Dukot: Pelikulang nakatali ang pusod sa hustisya
Submitted by Karl Ramirez on Wed, 09/02/2009 - 10:43.
(Bonifacio Ilagan is a member of Kodao Productions and creative consultant for most of Kodao's video content. Watch the trailer at the Bulatlat.com website.)
By Ilang-Ilang D. Quijano ⋅ August 31, 2009, Mula sa Pinoy Weekly Pinaksa ng isang pelikula ang penomenon na pamilyar kung laman ng balita pero salat sa representasyon sa popular na kultura. Para dito pa lamang, dapat nang papurihan ang Dukot. Kung tutuusin, matagal na itong inaabangan ng mga aktibista. Kailan nga ba huling nagkaroon ng isang pelikulang nangahas patingkarin sa mainstream ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at ang panunupil ng estado, ang nakakabit na dramatikong aspekto ng pakikibakang ito? Dalawang dekada o mahigit na ang nakalipas simula noong itinanghal ang ngayo’y klasikong mga obra gaya ng Orapronobis ni Lino Brocka at Sister Stella L. ni Mike de Leon. Matagal-tagal na ring hindi nahahanapan ng lagusan sa industriya ng paggawa’t distribusyon ng pelikula ang istorya ng maliliit, inaapi, at lumalaban. Batay sa reyalidad Pangarap ng direktor na si Joel Lamangan na isapelikula ang karanasan ng mga desaparecido gaya nina Jonas Burgos, Karen Empeno, at Sherlyn Cadapan—mga mukha at pangalang naging malapit sa loob ng publiko dahil, puwede nating ipagpalagay, nakapupukaw ng imahinasyon at nakasisindi ng galit ang kapwa mga alam at hindi alam sa kanilang istorya ng pagkawala. Talagang papangarapin ng sinumang kumikilala sa kapangyarihan ng pelikula ang posibleng dulot nitong magnipikasyon ng nananalatay nang simpatiya para sa mga biktima, at higit pa rito, na mas mataas na kamalayan sa dinadala nilang laban. Kaisa sa layuning ito, mahigpit na kinatuwang ni Lamangan at ng manunulat na si Bonifacio Ilagan sa paggawa ng pelikula ang mga grupong aktibista na siyang balon ng mga kuwento’t karanasan sa pakikibaka. Bukod pa rito ang karanasan ng dalawang beteranong aktibista, partikular si Ilagan na ang sariling kapatid ay dinukot noong Martial Law. Masasabing dito nagmumula ang pangunahing kalakasan ng pelikula. Walang nangyayari na malayo sa reyalidad, sa puntong gusto sanang ilagay ni Ilagan sa bungad na “nakabatay sa aktuwal na mga kaganapan ang istoryang ito.” Dalawang magkasintahang aktibista sina Junix (Allen Dizon) at Maricel (Iza Calzado). Kagyat ang dating ng aksiyon, ng sentrong kaganapan ng istorya: ang pagdukot sa kanila ng armadong kalalakihan habang nakasakay sa isang pampasaherong dyip. Pagkatapos ay pagtatahi-tahiin na ng naratibo ang nakaraan (ang pinagmulan ng aktibismo ng bawat isa at ang pag-usbong ng kanilang pag-iibigan) at ang kasalukuyan (tampok ang paghahanap kina Junix at Maricel ng kanilang mga magulang at ang sasapitin nila sa kamay ng mga dumukot sa kanila). Dahil sa ganitong pagkakaayos ng naratibo, natitimpla ang mabibigat at magagaang na punto ng istorya. Halimbawa, mula sa maaliwalas na eksena ng pakikipamuhay ni Junix sa mga magsasakang Aeta (may ikonikong kuha sa binata na mariing ipinapaliwanag ang pamilyar na tatsulok o ang hugis ng lipunang Pilipinong walang pagkakapantay-pantay) ay dadalhin ang manonood sa eksenang problemang malubha ng mga magulang ni Junix ang paghahanap sa kanya. Kung uminog ang istorya ng naunang progresibong naratibong pelikula sa laban ng mga manggagawa at magsasaka, sa Dukot, mga kabataang estudyante ang bida. At bakit hindi? Mga kabataan din naman ang naghasik ng punla ng pambansa demokratikong pakikibaka noong dekada ’60, at nangunguna sa pinakamapangahas na mga kilos-protesta ngayon, sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Simple, epektibo Sa buong pelikula, malinaw na relasyon ng ugat at bunga (cause and effect), gayundin ang linyang gumuguhit sa bida at kontrabida. Ang pagpapasakit na daraanan ng dalawang bida ay walang ibang inuugatan kundi ang kagustuhang pumanig sa mga inaapi at pinagsasamantalahan sa lipunan. Bunga nito, pipigilan ng tumatayong ahente ng mga nang-aapi at nagsasamantala ang pagpanig na ito. Ito ang pinakasimple, pinakatotoo, at marahil pinakaepektibo para sa ordinaryong manonood na pagsasalarawan o pagbubuod sa usapin ng mga paglabag sa karapatang pantao. Nariyan din ang mga pampalito na inihahasik ng Estado—ang pamilyar na paratang, halimbawa, na miyembro ang isang aktibista ng New People’s Army (NPA). Pero inilalantad ito mismo ng Dukot bilang pampalito, at lagi’t laging ibinabalik ang atensiyon ng manonood sa kuwento ng dalawang bida, na isang kuwento ng kagitingan at pagkadalisay ng intensiyon sa gitna ng karahasan. Malinis at halos walang komplikasyon ang karakter ni Junix na tila poster boy na aktibista. Minamahal siya ng kanyang mga kasamahan at ng kanyang pamilya, na nakabig niya ang suporta para sa mahirap na buhay na pinili. Masasabing malapit din naman sa totoo ang karakterisasyong ito dahil sa prosesong pinagdaanan ng isang aktibista, lalo ng mga peti-burges gaya ni Junix. “Pagpapanibagong-hubog” ang termino nila rito. Hindi man naipakita sa pelikula ang transisyong ito na karaniwan para sa mga nagmula sa panggitnang-uri, nabanggit ng ina ni Junix na naging mabait at pasensyoso ang kanyang anak simula nang maging aktibista. Kay Maricel nagmumula ang komplikasyon. Namulat dahil sa pagkakapatay ng kanyang ama sa isang welga, may angking mga sandali ng dedikasyon si Maricel sa kilusang estudyante, pero hindi ito nagtagal. Nagpasya siyang maglie-low para maitaguyod ang kanyang pamilya, at sinubok makipaghiwalay. Hindi siya nagtagumpay dahil sa ipinagsigawan ni Junix sa kalye na “habambuhay” na pagmamahal. (Malinaw na ipinakete bilang isang “nakakakilig” na sandali na kung hahanapin ng manonood na sanay sa komersiyal na pelikula ay hindi mabibigo) Karaniwan din naman ang ganitong dilemma sa magkasintahang aktibista. Hindi lang maiwasang magtanong, bakit kaya ang babaeng karakter ang nagparaya? Maipagpapatawad ito kung ikokonsidera na kailangang may conflict para mas maging interesante ang istorya; na kung mayroong “hindi handa” sa sitwasyong kasasadlakan ng magkasintahan, mas katanggap-tanggap sa panlasa ng mainstream na manonood na ito ang babae kaysa sa lalaki; at minsa’y nagkakataon talagang nasa sitwasyong mas gipit ang aktibistang babae at wala pa sa sapat na kamulatan para mapangibabawan ito. Hindi simpleng love story Inilabas ang music video ng soundtrack nitong “Mahal Kita Habambuhay” kung saan ipinapakete ang pelikula bilang isang love story. Sa malamang, may sariling konsiderasyon ang mga prodyuser ng Dukot para sa pagpapaketeng ganito. Pero may magandang sorpresang matutuklasan ang mga nangangamba na baka komersiyalisado ang pagtrato sa love story na ito. Oo’t mahahalina ang mga manonood sa pisikalidad nina Calzado at Dizon, pero hindi ito inabuso ng direktor/manunulat gaya ng kung papaano ito inaabuso ng mga gumagawa ng ibang pelikulang mainstream. (Katunayan, may manonood pa nga sa likod ko noong sneak preview ang pabulong na nagkomento sa isang eksena na “sana nakalugay ang buhok” ni Calzado, bagay na pinasalamatan kong hindi.) Kung kikiligin ang manonood sa mga eksena ng ligawan ng dalawang bida, magagalit din naman sila nang ang brutalidad ng Estado ang sumusubok-nagbibigkis sa kanilang pag-iibigan. Sumasapat ang dayalogong simple (hindi sumadsad sa pagiging sobrang romantiko), dahil sa husay ng pag-arte nina Calzado at Dizon. Gayundin, binigyan ng parehong diin ang paghahanap ng mga magulang nina Junix (Raquel Villavicencio at Robert Arevalo) at Maricel (Gina Alajar), masasabing isang natatanging proseso ng “pagkamulat” ng kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Nakabatay ang kanilang karakter sa mga personahe gaya nina Editha Burgos, ina ni Jonas at tagapagsalita ng grupong Desaparecidos, at Evangeline “Nanay Evan” Hernandez, ina ng pinaslang na kabataang si Benjaline Hernandez at tagapagsalita ng alyansang Hustisya. Sila ang mga naitulak ng sirkunstansiya na makisangkot sa mga usaping pampulitika. Nakisalamuha sa kanila sina Alajar bago at habang ginagawa ang pelikula. Marahil nakatulong ito sa pagpapalalim sa kanilang karakter. Gumampan din ng maliliit na papel sa pelikula sina Nanay Evan at ilang kaanak ng mga biktima ng pagdukot, gayundin ang ilang mga kabataang aktibista. Hindi man mapansin ng ordinaryong manonood, marahil na nakatulong ito sa paglikha ng makatotohanang atmospera. Sa usapin lamang ng pagiging makatotohanan, posibleng naparami ang mga insidente ng pagpatay at tangkang pagpatay na nakakabit sa iisang istorya ng pagdukot. Sa isang banda, dramatisasyon nga naman ito ng mga posibilidad ng aktuwal na sitwasyon may higit sa 1,000 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo, na sinasaklaw ang iba’t ibang tipo ng sibilyan—mula human rights worker hanggang sa journalist hanggang sa kaanak ng aktibista (na lahat nabiktima sa Dukot). Nagsisilbi rin itong mga punto ng panibagong aksiyon. Pero sa kabilang banda, may tendensiyang maiwan sa ere ang mga kaso o karakter na ito, at mawala ang nakagugulat at nakagagalit na epekto ng mga pagpatay dahil sa pagpapaulit-ulit.
Matapang Walang makapagpasusubali, gayunpaman, na ang Dukot ang pinakamatapang na pelikula na ginawa sa matagal-tagal na ring panahon. Mismong ang pagpapatampok sa mga organisasyong binabansagan ng Estado bilang mga prenteng komunista, malaking hakbang para sa isang pelikula ngayon (bagaman kung tutuusin, duwag na lumalaro lamang sa kamay ng Estado ang sinumang artistang takot makipag-ugnayan sa mga organisasyong ito). Makapangyarihan at mahirap kalimutan ang mga eksena ng tortyur. Pangahas at nakaaantig ang pananalita ni Alajar sa kilos-protesta ng mga kaanak ng mga dinukot. At ito pa lamang ang pelikulang nagpatikim sa manonood ng tinatawag ng mga NPA na “rebolusyonaryong hustisya.” (Ayon kay Ilagan, ang eksenang iyon ay hindi rin kathang-isip kundi batay sa isang ulat ng Pinoy Weekly hinggil sa aktuwal na pag-iral ng rebolusyonaryong hustisya sa Bikol.) Direkta nitong pinuntirya ang Estado—at si Pangulong Arroyo pa nga—na salarin ng mga pagdukot at pamamaslang. Dalawang beses lumabas ang litrato ng pangulo, nakasabit sa opisina ng militar na pinuntahan ng mga kaanak sa paghahanap. Sa maikling pelikulang Unang Araw na bahagi ng seryeng Rights noong 2007, ang paglabas din ng litrato ni Arroyo ang isa sa mga dahilan ng pagsensura dito ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Halos inaasahan na nina Lamangan at Ilagan na haharangin ng MTRCB ang Dukot. Puwedeng idahilan ang ahensiya ang lagi nitong idinadahilan, na sedisyoso ang pelikula, na hinihikayat nito ang paglaban sa gobyerno. Pero naghahanda na rin ang iba’t ibang organisasyon na labanan ang posibleng pagsensura. Kasabay nito ang paghahanap ng mga prodyuser ng pelikula ng alternatibong mga venue para ipalabas ito—sa mga screening sa mga paaralan at komunidad, sa internasyunal na komunidad na mas kumikilala sa mga indipendiyenteng pelikula. Maipalabas man sa mga komersiyal na teatro o hindi, siguradong maliligalig ang Estado ng Dukot, dahil tiyak na maliligalig nito ang kamalayan ng sinumang manonood nito. Ang pampublikong imahinasyong mapupukaw at galit na masisindi, magiging bahagi ng nagpapatuloy na kuwento ng paghahanap ng hustisya para sa mga iinapi at niyuyurakan ang karapatan, sa mga umiibig nang dalisay sa kapwa at sa bayan. Ayon ng sa manunulat at kritiko na si John Berger, “Hindi ko masasabi kung ano ang ginagawa ng sining at kung papaano, pero alam kong madalas nitong hinuhusgahan ang mga nanghuhusga, naghihiganti para sa inosente, at ipinapakita sa kinabukasan ang mga ipinagdusa ng nakaraan, kaya hindi ito nalilimutan… Alam ko rin na pinangangambahan ang sining ng mga may-kapangyarihan, anuman ang porma nito, kapag nagagawa niya ito. Sa mamamayan ang sining ay minsan parang alamat, dahil binibigyan nito ng katuturan ang hindi magbigan ng katuturan ng mga brutalidad ng buhay, at sa ganitong diwa pinagkakaisa tayo dahil sa huli, nakatali ang pusod nito sa hustisya.” Kamakailan, binigyan ng MTRCB ang Dukot ng rating na R-18, ayon kay Bonifacio Ilagan. –Ed. Click the images below for bigger versions: »
|
![]() ![]()
|